Thursday, August 21, 2008

akala ko --- patay na ako

AKALA ,sapantaha, hinala, presumption, expectation, vermutungen, praesumptionis --- anu mang lenggwahe, iisa ang ibig sabihin, iisa ang dulot, na kapag nagkamali, sakit ang kapalit.

Ilang beses na rin, halos di ko na mabilang. Sino ba ang hindi nakakaalam na ang maling akala, ay maaaring makamatay? Akala mo mabuting tao, di mo alam mamamatay tao. Akala mo alagaing aso, di mo alam asong ulol. Akala mo makabubuti, di mo alam mapanganib. Akala mo mababaw yun pala malalim. Akala mo matino, yun pala sira. Akala mo maganda, yun pala pangit. Akala mo oo yun pala hindi. Akala mo gusto ko, yun pala kinamumuhian ka. Akala mo oo yun pala hindi. Akala mo anjan na, maghihintay ka pa. Akala mo mahal ka, may mahal palang iba.

Kakambal ng AKALA ay ang TIWALA. Kapag bumagsak ang "akala mo" patay ang "tiwala mo". Masakit man, di makabubuti ang paglamayan ang maling akala. Masakit man, kelangang tanggaping nagkamali ka. Kasama natin 'to habang buhay. Habang buhay ang pag-aakala sa mga bagay-bagay. Habang buhay man ang pagkakamali, di natin ito pinili. Ang pag-aakala ay parang
paghahangad ng isang mabuting bagay upang panatilihin ang mainit nating pagtanggap sa anumang hamon. Isipin mo na lang ang isang napakagandang bulaklak. Mabango. Makulay. Nakakaakit. Di mo alam, inuuod din pala. Di mo alam, taglay nito'y tinik. Kapag natusok ka, masasaktan ka, masusugutan, dudugo at di magtatagal maghihilom. Kasunod ay ang pagkatuto na hindi na muling magagalak sa kabigha-bighaning kagandahan. Ngunit minsan, mapangahas ang ating kalooban na muling subukan. Mas magiging maingat. Matinik ma'y pipiliin mo ang parte ng tangkay na iyong hahawakan. Subalit sa paglipas ng ilang sandali'y nakakalimot din, ililipat sa kabilang kamay at muling masasaktan. Paulit-ulit, pero kailangan.

Takot na akong magbigay ng "AKALA". Takot na ang pisi ng tiwala na nagdudugtong sa aking katinua'y unti-unting maglaho. Sa paglalakad sa hardin, di maiiwasan ang mabighani sa taglay na kagandahan ng bawat bulaklak. Maging mapanuri ma'y hindi sapat upang muling mamitas. Sisikilin ang hirap, maabot lamang ang hangad. Di bibigyang pansin ang dugong maaaring maubos sa dami ng sugat. Nakamamatay ang maling akala -- mapanganib. Subalit sa di mapigilang kagustuhan, hindi tayo tumitigil hangga't di nagiging TAMA ang ating AKALA.

No comments: